Salamat sa mga malulupit kong brod na hanep kung magpayo sa pakikibaka o sa laro man ng pag-iibigan at pagkakaibigan. Hindi ko aakalain na sa mga bibig niyo manggagaling ang mga sagot sa aking mga katanungan, marahil ako’y nagduda kung may pakialam nga ba kayo sa nararamdaman ng isang bagong miyembro ng pamilya. Salamat talaga. Pero ito lang, hindi kasi talaga tungkol sa pag-iibigan ang pinupunto ng mga malungkot kong ngiti, kundi ang masakit na tarak ng napunit na pagkakaibigan sa aking dibdib.
Masyado na ba akong makata? Patawad, sadyang hindi maiwasan na magtugma ang aking mga salita. Marahil dala ito ng malamig na kagabi o dahil sa taksil na salita ng naturingang kapatid. Emosyon ng nasugatan ang sumusulat nito ngayon, isang taong naghangad ng pagtitiwala ngunit huwad ang kanyang natamasa.
Umasa kasi akong hawak ko na ang iyong tiwala, na kahit anuman ang mangyari, alam mong hindi kita iiwan sa ere. Mukhang nagkamali yata ako, dahil konting kibot ko lang na taliwas sa inaasahan mo, sadyang pumuputok na ‘yang butsi mo. Hindi kita masisisi kung sa tingin mo’y hindi ka na makakakita ng kaibigang hindi ka sasaksakin patalikod ngunit sayang lang bagkus nang nasa harap mo na ito’y labis ka pang nagbubulagbulagan. Hindi ko alam kung ako’y maaawa sa iyong asal ngunit alam ko lang na hindi ako maghahabol magpakailanman.
Sana’y huling beses na akong magsusulat para sa’yo. Hindi lang talaga ako makapaniwala na sa lahat na pinagsamahan nating noong nakaraang semestre, itinuturing mo pa rin akong isang lobo sa gubat na madilim at handang sunggaban ka upang kitilin.
Masakit.
Nakakapanlumo.
Nakakawalang-gana.
Wala eh, ‘di pa pala sapat yung pagtakbo ko sa’yo sa tuwing may kailangan ka. Hayaan mo’t isa kang leksyon na hindi dapat magtiwala nang lubusan sa iba maliban sa sarili mo.